MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bukas siya sa posibilidad na pag-usapan ang muling pagpasok ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
Ani Castro, hindi pa ito aktibong pinag-uusapan pero bukas ang Pangulo sa ganitong mungkahi.
Ito ay kasunod ng panawagan ng UN Special Rapporteur Irene Khan na muling ratipikahan ng bansa ang Rome Statute at iba pang human rights treaties, lalo na dahil sa kasaysayan ng extrajudicial killings at kawalan ng pananagutan sa Pilipinas.
Umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019 matapos simulan ng tribunal ang imbestigasyon sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Noong Marso, nang tanungin si Marcos tungkol sa muling pagpasok sa ICC, ngumiti lang siya at sinabing hindi pa ito napag-uusapan—kasunod ng pagkaka-aresto ni dating Pangulong Duterte sa Netherlands. RNT