Home NATIONWIDE PBBM hinimok, Konektadong Pinoy Bill i-veto

PBBM hinimok, Konektadong Pinoy Bill i-veto

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang Senate Bill No. 2699 o Konektadong Pinoy Bill.

“I am appealing to our Congress and Senate and to the Office of the President, kung pwede i-veto itong Konektadong Pinoy Bill, hangga’t hindi natin ma-address fully well lahat ng problema na hindi nila naipasok,” pahayag ni FICTAP National Chair Estrellita Juliano-Tamano.

Ang panukala na kilala rin bilang Open Access Transmission Act, ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado noong Pebrero 5.

Layon nitong gawing simple ang pagpasok ng service providers, palakasin ang kompetisyon at makapagbigay ng iba’t ibang pagpipilian ng abot-kayang internet services sa mga consumer.

Sa kabila nito, nangangamba ang FICTAP kaugnay sa probisyon ng panukala at sinabing dapat ay managot pa rin ang mga telco sa mga kapabayaan sa serbisyo.

“They allow cable TV operators unregulated like what we are having now. Maski sino puwede nang mag-operate,” ani Juliano-Tamano.

Sa ilalim ng panukalang batas, magtutulungan ang DICT at National Telecommunications Commission (NTC) para panatilihin at i-update ang isang centralized database ng data transmission infrastructure.

Bibigyang mandato rin ang Philippine Competition Commission (PCC) at NTC para masiguro na ang industry players ay patas, resonable, at non-discriminatory sa kanilang mga ginagawa.

Matatandaan na sinertipikahan ni Marcos ang panukala bilang urgent noong Enero.

Samantala, nangangamba rin ang Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO), sa panukala na maaaring may banta umano sa national security.

“The bill’s exemption of data transmission providers from securing a congressional franchise and a Certificate of Public Convenience and Necessity creates an unequal regulatory environment, violating the principle of fair competition,” saad sa pahayag.

Umaasa naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maaaprubahan na ang Konektadong Pinoy Bill sa Hunyo sa oras na magbalik-sesyon ang Kongreso. RNT/JGC