MANILA, Philippines – Naniniwala si Albuera, Leyte Mayoral candidate Kerwin Espinosa, na politically motivated ang nangyaring pamamaril sa kanya habang nangangampanya nitong Biyernes, Abril 11.
Ang pahayag ni Espinosa ay kasunod ng pagkakatukoy sa pitong pulis mula sa Ormoc City Police Station bilang persons of interest sa insidente.
“Klarong-klaro na political ito,” ani Espinosa.
“Kasi dito ang tumakbo na mayor din sa Albuera… Bilas ni Congressman Richard Gomez at kapatid ni [Ormoc City Mayor] Lucy Torres na si Karen Torres. Asawa niya si Vince Rama, na iyon din ang tumatakbo dito na mayor.”
Wala pang tugon si Rama sa naging pahayag ni Espinosa.
Samantala, inanunsyo ng Philippine National Police na inalis na sa pwesto si Ormoc City Police Chief Colonel Reydante Ariza habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Yun pong mga SOP, kapag po ang mga pulis po ay na-invovle sa mga ganyan, kasama na po diyan ang restrictive custody at nai-surrender na po ang kanilang mga firearms para po i-paraffin,” ayon kay Police Colonel Randy Tuaño ng PNP Public Information Office.
Itinalaga naman si Police Colonel Dennis Llevore, operations chief ng PNP Eastern Visayas, bilang officer-in-charge ng Ormoc City Police.
Kaiba sa sinasabi ni Espinosa, tinawag naman ni Congressman Richard Gomez ang pamamaril bilang “scripted.”
Aniya, uma-akting lamang si Espinosa at ang pagkakagawa ng shooting incident ay hindi maganda.
“I’m still getting the facts right… I’m working on the timeline of events.” RNT/JGC