Home NATIONWIDE PBBM humingi ng suporta para sa 11 Senate bets ng Alyansa; tinabla...

PBBM humingi ng suporta para sa 11 Senate bets ng Alyansa; tinabla si Imee

MANILA, Philippines- Hindi isinama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kapatid na si re-electionist Senator Imee Marcos sa panawagan nito sa publiko na suportahan ang senatorial candidates ng Alyansa sa isinagawang campaign rally sa Laguna, araw ng Sabado.

”Magkaisa po tayo sa ating Alyansa. At huwag po nating gawing Alyansa lamang nitong sampu, 11 na tao, 11 na kandidato na tumatakbo bilang senador na kasama sa Alyansa. Samahan niyo po kami, Samahan niyo po kami magka-alyansa din tayo, magkapit-bisig tayo at sama-sama po natin pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino,” anang Pangulo sa kanyang talumpati.

Kasama kasi sa orihinal na Senate slate ng administrasyon ang kanyang kapatid na si Imee Marcos.

Sa nasabing campaign rally, tanging sina Benhur Abalos, Abby Binay, Pia Cayetano, Lito Lapid, Bong Revilla, Tito Sotto, Francis Tolentino, Ping Lacson, Manny Pacquiao, Erwin Tulfo, at Camille Villar ang inihingi ng suporta ng Pangulo para sa nalalapit na eleksyon ng bansa.

Kapansin-pansin na hindi binanggit ni Pangulong Marcos ang kanyang kapatid sa kanyang endorsement speech sa Cavite sortie nito lamang Marso 21.

Gayunman, itinanggi ni Alyansa campaign manager Toby Tiangco ang anumang akusasyon ng paglaglag mula sa senate slate.

Matatandaang hindi dumalo si Imee Marcos sa Tacloban rally ng administrasyon, pagpapahayag ng kanyang pagtutol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at detensyon sa The Netherlands.

Sa kabilang dako, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga botante na suportahan ang kanyang mga kandidato sa paglaban sa kahirapan, krimen at illegal drugs.

”Magsama-sama po tayo, magtulungan po tayo, mag-alyansa po tayo muli upang labanan ang kahirapan, upang labanan ang krimen, upang labanan ang mga drug lord na pumapasok dito sa Pilipinas. Ito po, hinaharap ko po sa inyo ang ating Alyansa na siyang gagawa at siyang magtatrabaho upang pabalikin ang kapayapaan sa ating minamahal na Pilipinas,” ang bahagi pa rin ng talumpati ng Pangulo.

Binigyang-diin nito ang layunin ng Alyansa, ang kapayapaan at hindi ang pagkakahati-hati o pang-aapi.

”Malinaw naman ang hangarin, ang direksyon ng ating Alyansa. Ang hinahanap po natin ay kapayapaan, hindi po ang pagaaway-away, hindi po pang-aapi,” giit niya.

Sinabi ni Tiangco na sa 2,140,124 registered voters, ang Laguna ay itinuturing na “key battleground in the elections.”

Binigyang-diin ni Tiangco na ang mga kandidato ng Alyansa ay pinili base sa kanilang kakayahan at karanasan. Kris Jose