Home NATIONWIDE PBBM: kampanya laban sa korapsyon, nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan

PBBM: kampanya laban sa korapsyon, nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan

2
0

MANILA, Philippines – Inilarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang korapsyon bilang nakakasirang impluwensya na nagpapahina sa mga institusyon at humahadlang sa kakayahan ng pamahalaan na maihatid ang mahahalagang serbisyo sa mamamayan.

Sa isinagawang joint press conference kasama si German Federal President Frank-Walter Steinmeier, sinabi ni Pangulong Marcos na matatag ang paninindigan ng kaniyang administrasyon na labanan ang katiwalian dahil isa ito sa nananatiling pinakamalalaking hamon na kinakaharap ng pamahalaan.

Ang bawat institusyon, bawat pamahalaan, at maging ang bawat negosyo ay naaapektuhan ng nakasisirang impluwensya ng korapsyon,” ani ng Pangulo. “Lubos nitong binabago ang paraan ng pagpapatakbo ng pamahalaan. Nililimitahan nito ang kakayahan ng gobyerno na maihatid ang marami sa mga serbisyong kinakailangan ng taumbayan.”

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng kampanya laban sa korapsyon.

“Ganito kahalaga ang laban kontra korapsyon. Kaya naman sa kampanyang inilunsad natin laban dito, walang madali o  hindi masakit na paraan upang maisakatuparan ito,”ayon pa sa Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kinakailangan ang matibay at mahirap na reporma upang mabuwag ang mga mapang-abusong gawain at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.

Kailangan ding papanagutin at parusahan ang mga mapatutunayang sangkot sa sistemang ito ng korapsyon at obligahin silang magsauli ng nararapat sa mamamayang Pilipino.

Idinagdag din ni Pangulong Marcos na layunin ng kampanya laban sa korapsyon hindi lamang na matigil ang mga katiwalian kundi matukoy rin kung paano nabuo ang mga kahinaan sa sistema upang maiwasang maulit ang mga ito.

“Kailangan nating matukoy ang mga sangkot sa sistemang ito ng korapsyon upang mapanagot  at maibalik ang nararapat sa sambayanang Pilipino,” pahayag pa ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang mga pondong nawawala dahil sa korapsyon ay hindi lamang pera ng pamahalaan kundi salaping pag-aari ng mamamayang Pilipino na dapat sana’y ginagamit upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.

“Ang kinukuha nila ay hindi pera ko, hindi pera ninyo, o pera ng isang kumpanya. Iyan ay pera ng taumbayan,” giit pa ng Pangulo.

Muling iginiit ni Pangulong Marcos na mahalagang patuloy na palakasin ang transparency, accountability, at mabuting pamamahala upang matiyak na ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan ay makarating sa mga tunay na benepisyaryo at mapatatag ang mga institusyon at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa serbisyo ng pamahalaan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here