MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguraduhin ang kapakanan ng mga pasyente sa mga ospital na naapektuhan ng lindol kahapon sa Mindanao.
Sa isinagawang situation briefing kaninang umaga sa Malakanyang, binigyang-diin ng Pangulo na dapat unahing bisitahin ang mga ospital at maghanap ng mga lugar kung saan ligtas ang mga pasyente mula sa epekto ng lindol.
Partikular na inutusan ng Pangulo ang DOH sa pangunguna ni Secretary Ted Herbosa at ang DPWH sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon na magsagawa ng assessment sa lalong madaling panahon.
Inutusan din ng Pangulo ang Department of Energy sa pangunguna ni Secretary Sharon Garin na bigyang prayoridad ang supply ng kuryente sa mga pagamutan. Ayon sa Pangulo, higit na nangangailangan ng agarang atensiyon ang mga pasyente sa mga lugar na niyanig ng malakas na lindol.
Nakausap din ni Pangulong Marcos Jr. via Zoom si General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao kung saan ipinabatid niya sa Pangulo ang mga pangangailangan ng lungsod. Ayon sa Pangulo, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maibigay ang kaukulang tulong sa mga apektadong komunidad.
Sa report ng DSWD sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, binigyang-diin ng ahensiya na natutugunan ang mga pangangailangan sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Katuwang ng DSWD ang Philippine Air Force at Coast Guard sa pag-airlift ng mga ayuda sa mga lugar na hindi madaanan ng mga sasakyan.
Ang DOH naman ay namahagi na rin ng mga sapat na tulong-medikal sa mga biktima ng lindol. Ang DepEd sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara ay nakikipag-ugnayan na rin sa lokal na pamahalaan upang masigurong ligtas ang mga kabataan sa mga paaralan.
Binigyang-diin naman ni DICT Secretary Henry Aguda na stable ang connectivity sa affected areas.
Sa report ng DOE, kinumpirma ng ahensiya na nakabalik na ang supply ng kuryente sa maraming lugar sa Mindanao.
Inaasahan naman ng DPWH ang pagbubukas ng mga kalsadang naapektuhan ng lindol habang ang Bucana Bridge sa Davao City ay nananatiling ligtas upang madaanan ng mga magpapaabot ng tulong.
Bago matapos ang situation briefing, pinuri ng Pangulo ang lahat ng ahensiya sa mabilis na aksiyon para sa taumbayan. Pero paalala ng Pangulo, kailangang ipagpatuloy ang paghahanda ng pamahalaan, laging isipin ang mga biktima ng mga sakuna at gawing motivation sa kanilang pagsisilbi sa bayan ang mga taong walang matulungan at walang makain sa mga oras ng sakuna. (KRIS JOSE)