Home HOME BANNER STORY PBBM may babala sa mga tututol, lalaban sa POGO ban

PBBM may babala sa mga tututol, lalaban sa POGO ban

MANILA, Philippines – BINALAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga sasalungat at kakalaban sa kanyang deklarasyon na ‘total ban’ laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Tiniyak ng Pangulo na ang buong puwersa ng batas ay gagamitin para tugisin, hulihin at papanagutin ang mga ito.

“Kanselado na ang lahat ng lisensya ng POGO at IGL [internet gaming licensees]sa buong bansa!,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang social media post, Miyerkules ng gabi kasunod ng pakikipagpulong sa multi-agency task force na nangangasiwa sa pagsasara sa mga POGOs sa bansa.

“Hindi na kailanman papayagang manalasa ang mga ito. Sino mang magtangka na magsagawa ng ilegal na operasyon ay haharap sa buong puwersa ng ating batas,” aniya pa rin.

Nauna rito, sa press briefing sa Malakanyang ay sinabi ni Interior Secretary Juanito Victor ”Jonvic” Remulla Jr. na tutugisin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga nasa likod ng pagpapatakbo ng mga POGO guerilla operations.

Ito’y sa kabila ng maaaring ideklara na POGO free ang bansa sa susunod na taon.

Subalit ang paglilinaw ni Sec. Remulla, ” Ganito iyan, two parts iyan: all licenses are cancelled – so POGO-free tayo; guerilla operations will flourish but we will go after them.”

Sa ulat, inanunsyo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na wala nang makapag-o-operate na Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs sa Pilipinas sa pagtatapos ng Disyembre.

Ayon kay PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco, nagsimua silang ipasara ang mga ilegal na POGO noong manungkulan siya sa puwesto noong 2022.

Mula sa 298 na online gambling hubs na nagkakaroon ng operasyon, naging 48 na lamang ito bago pa man ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang POGO ban.

Pagsapit din aniya ng November 30, naging 13 na lamang ito.

Ani Tengco, pagdating ng December 15 – wala nang POGO.

Sa huli, nilinaw ng PAGCOR head na pagpasok ng January 1, 2025, ang mga POGOs na nagpapatuloy pa rin sa kanilang operasyon ay tuluyan nang magiging ilegal dahil sa kanselasyon ng kanilang lisensya.

Matatandaang, ipinag-utos ng Malakanyang ang agarang pagbabawal o pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.

Sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Nob­yembre 5, 2024, nakasaad dito na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensya at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.

Nakasaad din sa EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa dito.

Inaatasan ang PAOCC, PDEA, PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang kampanya laban sa illegal POGO habang hiniling ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor. Kris Jose