Home METRO 10-wheeler truck na sangkot sa karambola sa Skyway ‘di nainspeksyon ng LTO

10-wheeler truck na sangkot sa karambola sa Skyway ‘di nainspeksyon ng LTO

MANILA, Philippines – Hindi sumailalim sa inspeksyon ng Land Transportation Office (LTO) ang 10-wheeler truck na nasangkot sa road crash sa Skyway At-Grade Southbound sa Barangay Sun Valley in Parañaque City noong nakaraang linggo.

Ito ay kasunod ng imbestigasyon na isinagawa matapos na masawi ang isang indibidwal at masugatan ang lima iba pa sa karambola sangkot ang naturang trak.

Sa pagdinig nitong Miyerkules, Disyembre 11, aminado ang may-ari ng trak na nagbabayad siya para iproseso ang vehicle registration ng kanyang trak noong 2023.

Bukod dito, napag-alaman din sa imbestigasyon na ang makina, chassis, at iba pang bahagi ng trak ay inupgrade para magmukha itong bago.

“Lumalabas po sa investigation natin na ito po ay non-appearance… Bumalik po sa kanya after n’ya magbayad ng 30,000 [pesos] sa isang tao na rehistrado na po ito na truck na ito,” sinabi ni Renante Militante, officer in charge ng LTO intelligence and investigation division.

“‘Yun po ay mahigpit na ipinagbabawal… kasi dapat anumang sasakyan ay dapat physical nai-inspect bago marehistro,” dagdag ni Militante.

“Maliwanag po ating pag-conduct ng invest, lumalabas po itong truck ay upgraded, naupgrade po ito from 2000 model na napunta na sa 2023 model.”

Batay sa record ng LTO, ang drayber ay may ilan nang violation bago pa nangyari ang road crash.

Iimbestigahan ng ahensya kung ang aksidente ba ay dahil sa mechanical o human failure.

Samantala, dumalo sa pagdinig ang asawa ng drayber ng trak para magpasa ng written explanation at apela sa ahensya.

“Ang akin po, gusto ko lang po sabihin na sana wag tanggalin lisensya ng asawa ko kasi doon lang kami umaasa sa kanya,” apela ng asawang si Marites Patu.

Kamakailan ay sinabi ng 54-anyos na drayber ng 10=wheeler truck na sinuri pa niya ang kanyang brake bago bumyahe ngunit bigla na lamang umano itong pumalya.

Nasa kustodiya ng pulisya ang drayber na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injury, with damage to property. RNT/JGC