Home NATIONWIDE P500 kada-buwan, alok ni Manong Chavit sa mga Pinoy

P500 kada-buwan, alok ni Manong Chavit sa mga Pinoy

Si Manong Chavit Singson ay dumalo sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association sa Manila Hotel, na nagbabahagi ng kanyang pananaw para sa hinaharap na may mga libreng economic zone, accessible banking sa pamamagitan ng VBank, at eco-friendly transport solutions para sa mga Pilipino. (Cesar Morales)

MANILA, Philippines – “The more you give the more you receive, ang pera hindi sa iyo hangga’t hindi mo ito gagastusin.”

Ito ang sinambit ni Senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson sa kanyang talumpati makaraang dumalo ito sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association Year-End Assessment, Planning, and Thanksgiving sa Manila Hotel nitong Miyerkules, Disyembre 11.

Ayon kay Manong Chavit, tinanggap niya na muling pumasok sa mundo ng politika sa pagtakbo nito bilang senador sa darating na 2025 midterm election upang makatulong sa milyun-milyong Pilipino na makaahon sa hirap at magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho at kumita upang ipambuhay sa kani-kanilang pamilya.

Aniya, sa oras na magkaroon ito ng pagkakataon na makaupo sa senado ay unang-una nitong ihahain at pipiliting isabatas ang Universal Basic Income (UBI) o Chavit 500 kung saan nag-aalok ng buwanang P500 sa bawat Pilipinong kumikita ng mas mababa sa minimum na sahod at walang hanapbuhay.

Ayon pa kay Manong Chavit, nais din nitong ipasa sa senado ang kanyang mungkahing magkaroon ng maraming ‘free economic zone’ sa bansa kung saan nakapagtayo na ito ng dalawa sa bansang Korea.

Binalangkas din ni Singson ang mga repormang balak niyang isagawa, tulad nang pagtatayo ng bangko na batid ni Chavit na karamihan sa mga Pilipino ay mga walang bank account at credit cards dahil maraming hinahanap na requirements.

Aniya, sa pamamagitan umano ng VBank Digital Bank ay makapagpadala ng pera ng walang kaukulang bayad o charges. Isa aniya umano itong modernong financial tools na magagamit ang VBank.

Bukod dito, hindi pa man nauupo sa senado si Manong Chavit ay sinisimulan na nito na tumulong sa mga mga walang kakayanang makakuha ng bagong pampublikong sasakyan na tatamaan ng jeep modernization program sa bansa dahil handa umano itong magpautang ng walang interes na E-jeepney.

“Sa ibang bansa puro electric na, ako na magka-capital lahat ng electric vehicles, electric tricycles, electric motorcycles, without down payment, zero interest. Saan kayo makakautang ng bilyon na zero interest? Buong mundo wala, ako lang ang luko-luko na nagpautang ng zero interest,” ani Manong Chavit.

Bukod sa mga nasabing plataporma ay nangako din si Manong Chavit kung sakaling papalarin itong maupo sa Senado ay walang sawa itong tutulong sa mga kapus-palad na Pilipino at gagawin nito ang kanyang ginawa noong siya ay naging gobernador ng Ilocos Sur.

“Puro tulong ang ginagawa ko at nagpapasalamat ako sa aking mga kababayan dahil noon ang Ilocos Sur ay isa sa notorious province at dahil magulo kami ay mahirap ang aming lalawigan, we are the poorest before but now we are the 5th richest province in the entire country,” giit ni Manong Chavit. JR Reyes