Home NATIONWIDE PBBM: Mga mamamayang apektado ng Bulkang Kanlaon ‘di pababayaan ng gobyerno

PBBM: Mga mamamayang apektado ng Bulkang Kanlaon ‘di pababayaan ng gobyerno

MANILA, Philippines- “Nandito po ang inyong pamahalaan na handang tumulong sa inyo”.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayan na apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

“Kung gaano man katindi ang bangis ng bulkang ito, ganun din ang kalinga na aming ipapaabot,” ang bahagi ng mensahe ng Pangulo.

Aniya, nakatutok ang pamahalaan sa pag-agapay sa epekto ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Sa katunayan, masusi aniyang nakikipag-ugnayan ang mga ahensya at LGU upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Tinatayang mahigit 45,000 residente ang inilikas na mula sa 6-kilometer radius danger zone, habang target naman na ilikas ang kabuuang 84,000 na katao.

Tinitiyak naman aniya ng DSWD na sapat ang mga family food pack, non-food item, malinis na tubig, hygiene kits para sa mga evacuation center.

Dahil dito, inatasan niya ang Department of Budget and Management na magpalabas ng pondo para sa mga nasalanta.

Patuloy din aniyang nakaalerto ang DOH laban sa mga sakit dulot ng volcanic ash, habang ang NDRRMC at Task Force Kanlaon ay naghahanda sa anumang maaaring mangyari.

“Ang matagal ng forward-deployed na relief items ng DSWD, tulad ng mga family food pack at non-food items, ay ibubuhos natin sa mga evacuation center. Kasama dito ang malinis na tubig, sleeping at hygiene kit,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, inilagay ng Pangulo sa high alert ang lahat ng unit ng AFP, PNP at Bureau of Fire Protection sa buong isla ng Negros.

“Susuong sila sa anumang paghamon na darating,” aniya pa rin.

Nakahanda rin umano ang DOH na magbigay ng serbisyo. Mula Maynila, kasado na ang pag-airlift ng dagdag na gamot kung kinakailangan.

Sa ganitong kalamidad aniya ay posibleng madapuan ng sakit dulot ng abo ng bulkan. Walang patid ang surveillance, monitoring at paalala ng DOH at saka DENR sa mga karamdamang maaaring dumating.

Bago pa man aniya sumabog ang bulkan ay pinaghandaan na ng NDRMMC at Office of Civil Defense ang pagtugon sa maaaring worst-case scenario.

Dahil dito, nakatanod aniya ang Task Force Kanlaon na makipag-ugnayan ng tamang responde batay sa lakas ng pagsabog ng bulkan at pinsalang hatid nito.

“We will step up. We will level up. Any escalation in damages and destruction will be met with a stronger government response,” ang pahayag ng Pangulo.

Malaki aniya ang papel ng komunikasyon sa mga araw na ito sabay sabing, “Truth will save lives. Fake news will kill.”

“Effective disaster response is anchored on reliable information.That’s why PHIVOLCS will continue to issue around-the-clock advisories, in language that is clearly understood to all our kababayans,” anito pa rin.

Samantala, ang pakiusap ng Pangulo sa lahat lalo na sa ayaw lumikas ay sumunod sa babala ng mga awtoridad.

“Mas mahalaga po ang buhay kaysa ari-arian,” diing pahayag ng Pangulo. Kris Jose