MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Biyernes ang pagpasa ng panukala na naglalayong bantayan ang karapatan ng mga pasaherong sumasakay sa mga taxi at tourist car transport services, partikular tuwing holiday season kung saan nahaharap ang public transportation sa mas malakas na demand at reduced capacity.
Sa pagsusulong ng Senate Bill (SB) 819, o An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, Tourist Car Transit Services and other Similar Vehicles for Hire, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan ng batas na nagtatatag ng malinaw na passenger bill of rights upang protektahan ang mga mananakay mula sa mga abusadong driver ng vehicles for hire.
“During the holiday rush, incidents of passengers being refused rides or forced to pay additional amounts on top of the the meter bill are common,” wika ni Gatchalian sa isang news release.
Sa pamamagitan ng SB 819, nilalayon ni Gatchalian na magbigay ng legal protection para sa commuters at isulong ang pananagutan sa mga driver at transport operators habang tinitiyak ang mas ligtas at mas maaasahang transportasyon.
Ang mga driver na lalabag sa mga probisyon ng panukalang ito ay pagmumultahin ng P1,000 at sususpendihin ang driver’s license sa loob ng pitong araw para sa first offense; multang P3,000 at suspensyon ng driver’s license sa loob ng anim na buwan para sa second offense; at multang P5,000 at suspensyon ng driver’s license sa loob ng isang taonb para sa third offense. RNT/SA