MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes, Nobyembre 3 na ang mga Pilipinong naghihintay na umalis sa Gaza sa pamamagitan ng hangganan ng Rafah ay maaaring umalis ngayong araw din o sa Sabado.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Marcos na ito ang pangako ng mga awtoridad ng Israel.
“So may pangako sila sa atin na maipapalabas na ang mga Pinoy by today or tomorrow. Iyon ang ipinangako nila sa amin, Saturday daw at the latest,” ani Marcos.
Nagpahayag ng kumpiyansa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ang natitirang mga Pilipinong na-stranded sa Gaza ay papayagang tumawid sa Rafah Crossing patungong Egypt “sa loob ng ilang araw.”
“Hindi ko masasabi kung kailan, but we are hopeful, we are confident within a few days. Hindi tayo tatagal ng dalawang linggo doon o 10 araw, makakalusot din ang ating mga kababayan,” ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
Noong Huwebes, dalawa sa 136 na Pilipino sa Gaza ang matagumpay na nakatawid sa Rafah Crossing. Parehong mga Pilipinong doktor na boluntaryo para sa international humanitarian aid group na Doctors Without Borders. Ligtas na sila sa Egypt, ayon sa DFA.
Ayon kay De Vega, nasa 7,000 foreign nationals ang pinapayagang gumamit ng Rafah Crossing para lumabas ng Gaza ngunit 500 hanggang 600 lang ang pinapayagang tumawid sa hangganan araw-araw para sa maayos na proseso. RNT