Home NATIONWIDE PBBM muling binanatan ni Bato sa pagsuko kay Duterte: Nabulag ng pulitika

PBBM muling binanatan ni Bato sa pagsuko kay Duterte: Nabulag ng pulitika

MANILA, Philippines – Muling binanatan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang administrasyong Marcos sa ginawang pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) na nabulag sa pamumulitika.

“Binulag ng pulitika ang pamantayan ng pamahalaang ito sa pagkilala sa garantiyang ibinigay sa bawat Pilipino- dating presidente man o hindi— ng konstitusyon. Hindi lang mga taga-suporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang mismong nagsabi na may paglabag sa karaparatan ng ating kapwa Pilipino sa pagsuko kanya sa ICC,” ayon kay Dela Rosa sa pahayag.

Naunang inaresto si Duterte noong Marso 11 saka dinala kaagad sa The Hague. Nahaharap si Duterte sa pre-trial chamber sa pamamagitan ng video link hinggil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng inilunsad na war on drugs ng administrasyon nito.

Ayon kay Dela Rosa, nilabag ng administrasyong Marcos ang karapatan ni Duterte sa ilalim ng Saligang Batas.

Noong kasagsagan ng Oplan Tokhang na pinangunahan ni Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) maraming pamilya ang umiyak ng katarungan dahil hindi nabigyan ng pagkakataon ang kanilang kaanak ng dues process bagkus pinatay sa aktuwal na implementasyon ng war on drugs.

Umabot sa mahigit 30,000 ang sinasabing napatay sa Oplan Tokhang ayon sa pagtatayo ng human rights groups.

“Dapat maalala, hindi lamang ni Justice Secretary Boying Remulla at mga gabinete ni Presidente Bongbong Marcos, kundi ng buong sambayanang Pilipino na kaya nakapiring ang simbulo ng hustisya dahil dapat walang kinikilingan pagdating sa pagpapatupad at pagsunod sa batas,” ayon sa senador.

Naunang pinandigan ng Palasyo ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte sa pagsasabing ginawa ito alinsunod sa itinakda ng Republic Act 9851 o ang e Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.

Kinuwestiyon din ni Dela Rosa ang pagsunod ng bansa sa International Criminal Police Organization (Interpol) nang arestuhin si Duterte.

“Ang question na lang diyan ‘yung cooperation natin kung bakit tayo nag-cooperate based doon sa Interpol diffusion notice nila. So ano ba, kaya pala tayong diktahan ng Interpol?” aniya.

“Are we not a sovereign state na pwedeng magsabi na, maging consistent man lang sana ang ating Pangulo na pwede naman niyang sabihin sa Inerpol na, ‘Sorry, we cannot enforce that ICC warrant because matagal na naming sinasabi na walang jurisdiction sa amin ‘yung ICC na ‘yan’,” dagdag niya.

Sinabi ni Dela Rosa na ginamit lamang ng administrasyon ang Interpol bilang dahilan upang maisuko si Duterte sa The Hague.

Ngunit, sinabi ni Atty. Gilbert Andres, isang accredited ICC lawyer na legal ang pag-aresto kay Duterte.

Aniya, walang pagkakaiba kung kumilos ang Interpol sa red notice of red diffusion dahil pinagbasehan ng pag-aresto kay Duterte ng Section 17 Paragraph 2 ng RA 9851.

Nakatakda sa Section 17 of RA 9851 na nagsasabing: ”In the interest of justice, the relevant Philippine authorities may dispense with the investigation or prosecution of a crime punishable under this Act if another court or international tribunal is already conducting the investigation or undertaking the prosecution of such crime. Instead, the authorities may surrender or extradite suspected or accused persons in the Philippines to the appropriate international court, if any, or to another State pursuant to the applicable extradition laws and treaties.” Ernie Reyes