MANILA, Philippines – Buong puso na nakiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa 6.9 na lindol na tumama at yumanig sa Cebu province, Martes ng gabi.
“Kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang kalatas.
Ani Pangulong Marcos, kaagad na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga apektadong lugar.
“Nasa mga apektadong lugar na po ang ating mga Kalihim upang magbigay ng tulong at suriin ang pinsala mula sa lindol at mga aftershock,” aniya pa rin.
Nanawagan ang Pangulo sa lahat na manatiling alerto at sundin ang advisory na ipinalabas ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ng Chief Executive na ang Office of the Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council ang nangunguna sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang mabilis at organisadong pagtugon.
Aniya, nagsagawa na ang Department of Public Works and Highways ng road assessments upang matiyak ang kaligtasan sa mga kalsada at tulay, habang ang Department of Energy ay kumikilos para maibalik ang suplay ng kuryente.
Idinagdag pa nito na nag-deploy na ang Department of Health ng karagdagang tauhan sa mga ospital, habang ang Department of Social Welfare and Development ang naghahatid ng pagkain at iba pang uri ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na ang Bureau of Fire Protection ay tumutulong sa search and rescue operations, habang ang Philippine National Police ay nakatuon sa pagpapanatili ng kaayusan at nakasuporta sa rescue efforts.
“Sama-sama nating itatawid ang ating mga kababayan at muling itatayo ang mga komunidad na naapektuhan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa ulat, libo-libong residente ang nagkagulo sa buong lalawigan ng Cebu matapos yanigin ng malakas na lindol na may lakas na 6.9 magnitude dakong alas-9:59 ng gabi, Martes, Setyembre 30, 2025.
Kabilang sa mga napinsala ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu, kung saan ilang bahagi ng simbahan ang gumuho.
Sa Bogo City, Cebu, ang sentro ng lindol, isang kilalang fast food chain ang nagtamo ng matinding pinsala sa estruktura, dahilan upang ideklarang hindi ligtas pasukin.
Bukod dito, nakaranas din ang mga motorista ng malalaking bitak sa mga pangunahing kalsada.
Sa Cebu City Medical Center, pansamantalang lumikas sa labas ng gusali ang mga pasyente at ilang miyembro ng medical staff bilang pag-iingat.
Tatlong katao ang kumpirmadong nasugatan sa insidente.
Naglabas ng pahayag si Cebu City Mayor Nestor Archival na nananawagan sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng inaasahang mga aftershock.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na impormasyon kung may nasawi sa mismong lungsod ng Cebu. (Kris Jose)