Home NATIONWIDE PBBM nagpasalamat sa Indonesian gov’t sa pagpapauwi kay Veloso sa Pinas

PBBM nagpasalamat sa Indonesian gov’t sa pagpapauwi kay Veloso sa Pinas

MANILA, Philippines- Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Indonesian government dahil sa mabilis na pagbabalik ni Mary Jane Veloso sa Pilipinas.

Si Veloso ay dumating sa Pilipinas, Miyerkules ng umaga.

“We take this opportunity to extend our gratitude to the Indonesian government and to all who have extended assistance for the welfare of Ms. Mary Jane Veloso,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang kalatas.

“The Philippine government welcomes the imminent transfer of Ms. Veloso, which was made possible by our strong friendship and cooperation with the Indonesian government,” dagdag niya.

Sinabi pa ng Pangulo na ipagpapatuloy naman ng mga ahensya sa justice and law enforcement sector na tiyakin ang kaligtasan ni Veloso lalo pa’t ang Indonesian counterparts nito “have safeguarded it for so long.”

Ang pagtiyak ng Pangulo ay pagbibigay-diin din na ang kapakanan ni Veloso ay “paramount.”

Nauna rito, Martes ng gabi nang i- turnover ang kustodiya ni Veloso sa mga opisyal ng Pilipinas.

Sinamahan siya ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, at Bureau of Corrections (BuCor).

Samantala sa news release ng BuCor, dumating si Veloso sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City ng ala-5:51 ng madaling araw, sakay ng Cebu Pacific flight 5J 760.

Sa pagdating ni Veloso sa airport ay kaagad na dinala siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City kung saan mananatili siya sa Reception and Diagnostic Center sa loob ng five-day quarantine at 55-day na sasailalim sa orientation, diagnostic evaluation, at initial security classification.

Si Veloso ay nakulong ng 14 taon sa Indonesia matapos mahatulan ng parusang kamatayan dahil sa kasong ilegal na droga. Kris Jose