Home NATIONWIDE PBBM, nakatutok sa pagtugon sa tumataas na presyo ng bigas- Malakanyang

PBBM, nakatutok sa pagtugon sa tumataas na presyo ng bigas- Malakanyang

MANILA, Philippines – NANANATILING committed si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagtugon sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kasalukuyang tinitingnan ni Pangulong Marcos ang posibleng ugat ng dahilan ng pagsirit ng presyo ng bigas.

“Sa food security, tinututukan iyan ng Pangulo. At inaalam din kung saan ba dapat ang magandang paraan para ito ay ma-lessen kung may problema man diyan. ‘Yun naman ang laging ginagawa ng Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

“Tututukan ito mabuti ng Pangulo kung ano ang nagiging problema kung bakit hindi pa yata bumababa sobra ang presyo ng bigas,” ang dagdag na pahayag ni Castro.

Nagbabala naman siya ng mabigat na parusa laban sa mga economic saboteur, lalo na sa mga smugglers at hoarders, na nagmamanipula sa presyo ng mga agricultural products.

“Behind our back, may gumagawa ng ganiyang mga krimen. Hindi iyan makakalagpas sa Pangulo kaya iisa-isahin natin iyan,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Sa isang sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang noong Pebrero 18, sinabi ni Pangulong Marcos na hangad niya ang “unified” approach para maging matatag ang presyo ng pagkain at maging bagong polisiya para maging pananggalang ng mga consumers mula sa market volatility.

Sa nasabing pulong, tinalakay din nina Pangulong Marcos at ang implementing agencies ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na putulin ang smuggling at patatagin ang presyo ng mga food products.

Samantala, idinkelara naman ng Department of Agriculture (DA) noong Pebrero 4 ang food security emergency para sa bigas para tugunan ang “extraordinary price increase ” sa retail price.

Araw ng Miyerkules, inanunsyo ng DA ang pagbabawas sa maximum suggested retail price (MSRP) ng 5-percent broken imported rice sa P49 per kg. simula Marso 1. Ang MSRP ay unang itinakda sa P52 per kg., bumaba mula sa P55 per kg. noong Pebrero 15. Kris Jose