MANILA, Philippines- Nagpaabot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng cash assistance na nagkakalaga ng P64.5 milyon para sa mahigit na 8,600 mangingisda ng Navotas na labis na naapektuhan ng malawakang oil spill sa Bataan province.
Sa isinagawang turnover ceremony sa Navotas Sports Complex sa Navotas City, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang kanyang naging desisyon na itaas ang presidential assistance sa bawat benepisyaryo, gawin itong P7,500 mula sa P5,000 bilang regalo niya sa mga apektadong indibidwal, magdiriwang ng kanyang ika-67 taong kaarawan ang Pangulo bukas, araw ng Biyernes, Setyembre 13.
“Ang tadhana natin ay hindi nakatali sa trahedya at sa sakuna, kung hindi sa ating kakayahan magtulungan, magkaisa, at bumangon mula sa pagsubok,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Sama-sama nating haharapin ang bukas—hindi lamang para malampasan ang unos, kung hindi para umusbong mula rito ang mas matatag at mas handa, at anumang hamon ng buhay ay kaya natin harapin,” dagdag na wika nito.
Itinurn-over naman ni Pangulong Marcos ang tseke sa city government ng Navotas.
Tinuran pa ng Pangulo na magdo-donate rin ang tanggapan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng tig-10 kilo ng bigas sa bawat benepisaryo.
Winika pa nito na ang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at nagmamay-ari ng MTKR Terranova, tumaob sa katubigan ng Bataan, ay nagpapatuloy para sa kompensasyon ng mga mangingisda na ang ikinabubuhay ay labis na naapektuhan ng paglubog ng motor tanker.
“Ang tulong na ating ipapamahagi ngayon ay hindi lamang simbolo ng suporta, kundi ng ating paninindigan na hindi natin pababayaan ang ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng pangangailangan,” ang sinabi pa ng Punong Ehekutibo.
Sinabi pa ng Chief Executive na tinitingnan din ng pamahalaan ang posibilidad na ang motor tankers na may kinalaman sa Bataan oil spill ay sangkot sa oil smuggling.
“Lahat ito ay iniimbestigahan para tiyakin na pananagutin natin ang mga may sala,” ayon kay Pangulong Marcos.
Nauna rito, mayroong 1,384,211 litro ng oily waste ang nakolekta mula sa MTKR Terranova, may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito noong huling bahagi ng Hulyo ngayong taon.
Inaasahan naman ng Pangulo na kaagad na matatapos ang oil siphoning mula sa lumubog na tanker sa lalong madaling panahon.
“Sa gitna ng mga katanungan, may mabuting balita naman tayong hatid. Ligtas nang ihain ang mga isda at iba pang mga pagkaing dagat sa ating mga lamesa. Samakatuwid, maayos po ang kalidad ng hangin at tubig ng Navotas para sa kalusugan ng ating mga kababayan,” tinuran ng Pangulo.
Sinasabing labis na nagdurusa ang mga mangingisda ng Navotas mula sa mababang farmgate prices dahil sa takot sa oil spill.
Sa kabilang dako, makalipas ang ilang araw nang lumubog ang oil tanker, naglagay ang Philippine Coast Guard (PCG) ng oil spill boom sa entrada ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) floodgates sa Barangay Tanza Uno, Navotas City bilang preventive measure.
Inihayag pa ni Pangulong Marcos na ang implementasyon ng “Kalinisan Program” ng Department of the Interior and Local Government ay “an initiative aimed at consolidating efforts to maintain and provide a healthy and safe environment for the public, is also crucial in promoting cleanliness in Navotas City and keeping it safe from the threat of disasters.”
“Mahalagang bahagi ng programang ito ang paghikayat sa mga komunidad na magsagawa ng mga solid waste management intervention at clean-up activity na makatutulong upang mapigilan na maharangan ng mga basura ang ating mga flood control structure,” giit ni Marcos. Kris Jose