MANILA, Philippines – PALAGING ‘available’ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapulong at makadaupang-palad si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos na magpahayag ang huli ng kanyang intensyon na makausap ang una.
Sinabi ni Communications Secretary Cheloy Garafil na nabanggit kasi ni Duterte sa isang panayam na kakausapin niya si Pangulong Marcos ukol sa imbestigasyon sa Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy, kilalang ka-alyansa ni Duterte.
Winika ni Garafil na sinabi ni Pangulong Marcos na palagi siyang handa na makausap ang kanyang predecessor.
“President Marcos is always available to former President Duterte,”ayon kay Garafil sabay sabing “The President will contact him now to ask if he wants a meeting.”
Nauna rito, napaulat na gusto ng makausap ni Duterte si Pangulong Marcos para talakayin ang imbestigasyong kinakaharap ng SMNI kung saan ipinalalabas ang kanyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” na kailan lang ay sinuspinde.
“Ang concern ko lang ngayon is to help my friend, si Pastor Quiboloy, dahil sa totoo lang, itong NTC, wala naman silang nakita… they have not come up even an allegation of any wrongdoing,” pahayag ni Duterte sa media forum sa Davao City Sabado ng gabi.
“One of these days siguro, I’ll come up with a statement, not necessarily defending Pastor Quiboloy, but just to say something about the way things are, and it would mean Pastor Quiboloy or anybody for that matter,” aniya pa rin.
Ani Duterte, may programa sa SMNI, wala siyang sinabi na anumang negatibong pahayag laban kay Pangulong Marcos.
“I do not want to confront the President, but rather, I’d like to talk to him indirectly kung bakit ganoon,” aniya pa rin sabay sabing “as far as I am concerned, I have not crucified him, not even criticized him severely, maybe commented on the directions of the government. Yun lang naman.”
Noong nakaraang buwan, naglabas ng 30-day suspension order laban sa SMNI ang National Telecommunications Commission (NTC) ng 30-day suspension order.
Ito ay matapos magpalabas ng resolusyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan sinabi nito na nilabag ng network ang ilang probisyon ng prangkisang ibinigay rito.
Nag-file naman ng petisyon ang SMNI sa Court of Appeals na humihiling para magpalabas ito ng temporary restraining order laban sa inisyung suspension order ng NTC.
Nagpalabas din ang Movie and Television Review and Classifications Board (MTRCB) na preventive suspension laban sa dalawang programa sa network. Kris Jose