Home HOME BANNER STORY Walang seryosong banta sa Traslacion 2024 – PNP

Walang seryosong banta sa Traslacion 2024 – PNP

MANILA, Philippines – Walang namo-monitor na anomang banta sa Traslacion 2024.

Ito ang siniguro ng Philippine National Police (PNP) sa isang panayam sa dzBB kung saan katuwang nila ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpapatupad ng seguridad sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9 kung saan 2.3 milyong katao ang inaasahang lalahok.

“Wala pa naman tayong nakukuha o nare-receive na impormasyon na maituturing na seryosong banta para ma-disrupt itong Traslacion. Pero we are not lowering our guards. Sabi ng ating chief PNP, we are hoping and praying for the best, but we are also prepared to address at kaharapin ang ilang mga banta na maaari nating ma-receive,” ani PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Sinabi ni Fajardo na sa ngayon ay nahuli pa lamang ng pulisya ang isang 42-anyos na lalaki dahil sa paggawa ng bomb joke sa loob ng Quiapo Church noong Biyernes ng umaga sa gitna ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.

Sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Linggo na 15,276 na tauhan ang ide-deploy sa Enero 9 at 10, sa kasagsagan ng kaganapan.

Ipatutupad din ng “No Fly Zone and No Drone Zone” sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church, gayundin ang ruta ng prusisyon simula Enero 7-10.

Ani Fajardo, tanging ang PNP at iba pang security forces ang papayagang gumamit ng drones sa panahong ito bilang bahagi ng security measures.

Samantala, magiging “No Sail Zone” ang tubig ng South Harbor at Pasig River malapit sa Traslacion mula Enero 6-10.

Ang Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) sa Lungsod ng Maynila ay sususpindihin din mula Enero 8-10, na may gun ban na ipinataw sa buong lungsod. Santi Celario