Home METRO Obrero tigok sa gumuhong bahay sa QC

Obrero tigok sa gumuhong bahay sa QC

MANILA, Philippines – ISANG construction worker ang nasawi habang isa pa ang sugatan makaraang gumuho ang isang itinatayong bahay pasado hatinggabi noong Sabado, Enero 6, sa Quezon City.

Ayon kay Police Lt. Col. Richard Mepania, Quezon City Station 15 commander, na ang bahay na ginagawa sa Mahabang Layon, Barangay Bahay Toro ay nakatayo sa mahinang pundasyon.

Nabatid pa sa ulat na natuklasan na tatlong haligi lamang ang sumusuporta sa bahay, na ang kalahati nito ay umaabot nang walang katiyakan sa isang sapa.

“So, ‘yun po siguro ang naging dahilan. Mahinang pundasyon nung bahay kung kaya’t nung sila ay gumagawa dun sa second floor, ay tuluyan na nga pong bumigay na naging sanhi ng kamatayan nung isang tao at pagkakasugat o pagkakainjured naman nung isang manggagawa,” ani Mepania.

Sinabi niya na limang construction worker ang onsite sa panahon ng pagguho. Tatlo sa kanila ay nagtatrabaho sa itaas na palapag, habang ang dalawa ay pinalad na nakaligtas sa pagbagsak.

Nabatid pa sa ulat na nagtatago umano ang may-ari ng bahay kahit pinag-iisipan ng common-law wife ng biktima na magsampa ng kaso, sabi ng pulisya.

Isinasaalang-alang ng mga awtoridad ang mga potensyal ang pagsasampa ng kaso dahil umano sa kabiguang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa.

“Pwede na kapabayaan. Lumalabas kasi nito na yung owner has failed to exercise due diligence or due care para matiyak po ang kaligtasan ng kanyang manggagawa,” ayon kay Mepania. Santi Celario