MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamumuhunan sa job-generating infrastructure at social protection programs para mapababa pa ang poverty rate ng bansa sa 9% sa 2028 matapos napaulat na ang poverty rate ay bumaba sa 15.5% noong nakaraang taon.
Sa video message ni Pangulong Marcos, sinabi nito na 2.5 milyong Pilipino ang inahon mula sa kahirapan at tanging 10.9% ng pamilya ang nananatili namang mahirap.
Inulit naman ng Pangulo ang kanyang sinabi sa kanyang pangatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang buwan na ang lahat ng pagsisikap ng kanyang administrasyon ay “useless” kung hindi bumubuti ang buhay ng mga tao.
“Our goal is to further reduce this rate to nine percent by 2028 and improve the lives of eight million Filipinos,” ayon sa Pangulo.
“Balewala lahat ng ating ginagawa kung walang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino,” dagdag na wika nito.
Tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pamumuhunan sa job-generating infrastructure, social protection programs, health, at education para sa lahat ng mga Pilipino.
“We will not rest on our laurels but use them to propel us forward into social and economic transformation,” pahayag niya.
Samantala, iniulat ng Pangulo na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6.3% sa second quarter ng taong kasalukuyan kumpara sa nakalipas na taon. Sinabi nito na ito ang pinakamataas sa hanay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“This is due to the increase in investments and construction under the Build Better More program,” ang sinabi ng Pangulo.
Iniulat din ng Pangulo ang pagbaba ng unemployment rate ng bansa noong Hunyo sa 3.1%, isa sa pinakamababa sa tala sa nakalipas na dalawang dekada. Mahigit 50.3 milyong Pilipino naman ang may trabaho, 63.8% sa mga ito ay nasa formal sector. Kris Jose