MANILA, Philippines- Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules na maaari nang ipagpatuloy ng mga mangingisda ang kanilang fishing activities ilang linggo matapos ang oil spills kamakailan sa katubigan ng Bataan ay makaantala sa kabuhayan ng libo-libo sa lalawigan at sa mga karatig-lugar.
“Nasabihan lang ako ni Secretary [Francisco Tiu] Laurel ng [Department of Agriculture] na mula ngayon ay maari nang mangisda, wala nang oil spill, pwede nang ituloy ang inyong hanapbuhay,” pahayag ni Marcos Jr. sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong mangingisda sa General Trias, Cavite.
Hindi binanggit ng Pangulo ang mga lugar sa Manila Bay kung saan maaari nang makapangisda, subalit batay sa datos ng pamahalaan, mahigit 25,000 pamilya ng mga mangingisda sa lalawigan ng Cavite ang apektado ng oil spills kamakailan na nagdulot ng mahigit P250 milyong economic losses.
“Masaya akong nababalita na matagumpay nating napigilan ang pagtagas ng langis mula sa mga barkong ito partikular ang Terranova para hindi na ito makapinsala sa kalikasan.”
Anang Pangulo, patuloy ang pagsisikap na tanggalin ang industrial oil mula sa Terranova, na maaari pa umanong abutin ng 10 araw.
“Kung meron pang natirang langis baka doon kukunin. Kaya naging maayos naman ang ating pagtugon sa krisis na ito at marami ang tumulong sa atin.”
Samantala, patuloy din ang pagselyo ng mga awtoridad sa manhole mula sa isa pang lumubog na tanker na MT Jason Bradley bilang paghahanda para sa pagpapalutang sa vessel, maging siphoning ng seawater mula sa MV Mirola 1. RNT/SA