Home NATIONWIDE PBBM sa publiko: Metro Manila Film Festival 2024 tangkilikin

PBBM sa publiko: Metro Manila Film Festival 2024 tangkilikin

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang sambayanang Pilipino na tangkilikin ang mga ‘kwentong Pinoy’ bilang pagsuporta sa Metro Manila Film Festival 2024.

“Isama ang buong pamilya, buong barkada, at panoorin ang sampung pelikula na handog ng MMFF,” ayon sa mensahe ni Pangulong Marcos.

Ang panahon aniya ng Kapaskuhan ay panahon upang lalong magsama-sama at magmahalan ang bawat pamilya at ang bawat isa.

Ngayong Kapaskuhan aniya pa rin ay bibidang muli ang mga kwento ng lahing Pilipino dahil ito aniya ay espesyal na selebrasyon ng ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival na bahagi na buhay at kultura bilang Pilipino.

“Ang mga magagandang pelikulang kalahok ngayon ng Golden Year ng MMFF ay siguradong magbibigay ng gintong saya at mag-iiwan ng mga ginintuang aral,” ang winika ng Pangulo.

“Mabuhay ang pelikulang Pilipino! Happy 50 years, MMFF! At muli, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!,” ang pagbati ni Pangulong Marcos. Kris Jose