Home HOME BANNER STORY PBBM sa Tsina: Agresibong aksyon sa WPS tigilan kapalit ng pagpapabalik sa...

PBBM sa Tsina: Agresibong aksyon sa WPS tigilan kapalit ng pagpapabalik sa US missile system

MANILA, Philippines- Binweltahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pambabatikos ng Tsina sa deployment ng Typhon missile system ng Estados Unidos sa Pilipinas kasabay ng alok na isang kasunduan.

Sinabi ni Pangulong Marcos na handa niyang tanggalin at alisin sa bansa ang Typhon missile launchers ng Estados Unidos kung ititigil na ng Tsina ang agresyon nito sa West Philippines Sea (WPS).

Sa ambush interview kay Pangulong Marcos sa sidelines ng pagpapasinaya sa Mactan-Cebu International Airport Alternate Runway, tinugunan ni Pangulong Marcos ang pagkontra ng Tsina sa missile system, binigyang-diin na ang Pilipinas ay hindi man lamang nagkomento sa mas malaking missile arsenal ng Tsina.

“I don’t understand their comments on the Typhon missile system,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“We don’t make any comments on their missile systems and their missile systems are a thousand times more powerful than what we have,” dagdag na wika nito.

Dahil dito, nag-alok ang Pangulo ng isang kasunduan sa Tsina, itigil ang agresibong aksyon at ang territorial claims sa Pilipinas kung saan ang magiging kapalit ay pagkonsidera na bawiin ang missile system.

“Let’s make a deal with China—stop claiming our territory, stop harassing our fishermen and let them have a living, stop ramming our boats, stop water-cannoning our people, stop firing lasers at us, and stop your aggressive and coercive behavior, and I’ll return the Typhon missiles,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Tigil nila yung ginagawa nila, ibabalik ko lahat ‘yan,” dagdag niya.

Samantala, napaulat na inilipat ng pwesto ng US military ang kanilang Typhon missile launcher na dating nasa Laoag airfield sa Pilipinas. Ang naturang missle launcher, kayang magpakawala ng mga multi-purpose missile na kayang umabot sa China at Russia.

Sa ulat ng Reuters, galing umano sa isang senior Philippine government source ang impormasyon tungkol sa ginawang paglilipat ng missile launcher.

Ayon pa sa ulat, ang Tomahawk cruise missiles na ilalagay sa launcher ay kayang tumama sa target na nasa China o Russia mula sa Pilipinas. Habang SM-6 missiles ay kayang tumama sa air or sea targets kahit sa layo na mahigit 200 kilometro (165 miles).

Batay umano sa impormasyon ng source na mula sa gobyerno ng Pilipinas, ginawa ang paglilipat para malaman kung gaano kabilis ang paglilipat ng missile battery sa bagong firing position. Paraan umano ito upang matiyak na magiging ligtas ang naturang armas kung magkakaroon ng kaguluhan.

Nakita sa mga satellite images na isinakay sa C-17 transport aircraft sa Laoag International Airport nitong mga nakaraang linggo ang mga battery at mga kaugnay na kagamitan, ayon kay Jeffrey Lewis ng Middlebury Institute of International Studies.

Inalis din ang mga puting canopy na ipinangtakip sa Typhon equipment, ayon sa mga larawan na nakita ng Reuters at hindi pa nai-report noon.

Ang Typhon system ay bahagi ng inisyatiba ng US na maglagay ng iba’t ibang anti-ship weapons sa Asya. Kris Jose