MANILA, Philippines- Kailangang ibalik ng Department of Education (DepEd) ang Reproductive Health Education habang nagsasagawa ng pagrerebyu sa patakaran nito hinggil sa comprehensive sexuality education (CSE), ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Ipinanawagan ito ni Gatchalian kasunod ng pagdinig sa Senado hinggil sa kontrobersyal na Senate Bill No. 1979 o ang panukalang Adolescent Pregnancy Prevention Act.
Sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education na nakatakda sa batas ang RH education at kailangang manatiling tapat ang DepEd sa tungkulin nito hinggil sa RH education sa adolescents.
Ipinunto ni Gatchalian sa pagdinig ang hindi nagkakatugma sa pagitan ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 o ang Republic Act No. 10354 at DepEd Order No. 031 s. 2018, na nagtatakda ng alituntunin sa patakaran hinggil sa implementasyon ng CSE.
Sinabi ng ilang opisyal ng DepEd na nagbigay ng basehang legal ang RPRH Act para sa DepEd Order No. 031 s. 2018. Section 14 ng RPRH Law na nagtatakda ng age- and development-appropriate reproductive health education na ibibigay sa batang may edad 10 hanggang 19 taong gulang.
Ilan sa mga usaping sakop ng RH education ang values formation, sexual abuse and violence against women and children, at teen pregnancy.
Pero, natukoy ni Gatchalian na sa ilalim ng DepEd Order No. 031, CSE na isinama sa lahat ng antas ng basic education na taliwas sa itinakda ng Section 14 ng RPRH Law.
“It went beyond what the RH law calls for. Let’s stay faithful to the intention of the law that RH education will only be taught to adolescents,” ayon kay Gatchalian.
Inamin naman ni DepEd Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Filemon Ray Javier na nakakalito ang pananalitang ginamit sa DepEd Order No. 031 sanhi ng malawak na pagpapakahulugan.
Pero, nilinaw niya na binibigyan ang mag-aaral mula 10 taon pababa ng foundational knowledge bilang preparasyon sa sex education proper.
Nangako naman si DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na kanyang iuutos ang pagrebyu sa CSE na kasalukuyang kasama sa basic education curriculum kasunod ng apela na suspendihin ang implementasyon ng programa.
Pero, tiniyak ni Angara na walang konsepto ng “pagbabate” na kasama sa kasalukuyang kurikulum.
Ipasusuri din aniya ang nilalalaman ng SB 1979 na pawang “ridiculous,” at “abhorrent.”
Ngunit, aniya, hindi pwedeng permanenteng suspendihin ang implementasyon ng CSE dahil nakatakda ito sa batas.
“Certainly, to correct certain flaws pointed out by the legislators, to ensure that it is age-appropriate, maybe we can do that. Kaunting (With some) corrections, tweaking,” ani Angara sa interview. Ernie Reyes