MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatutupad ng gobyerno ang service contracting program simula Abril 15, 2026.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa isang video message na pangungunahan ng Department of Transportation (DOTr) ang nasabing implementasyon sa buong bansa.
”Sa ilalim ng programang ito, babayaran namin ang ating mga operator at driver ng mula P40 hanggang P100 kada kilometro,” ang winika ng Pangulo.
Nauna rito, kasama sa service contracting ang EDSA Bus carousel program at mga moderno at tradisyunal na jeepney na may mga rutang dumadaan sa mga istasyon ng LRT at MRT at mga pangunahing hub ng transportasyon.
“Ang mga rutang ito ay binigyang-priyoridad dahil sinusuportahan nila ang koneksyon sa mga sistema ng transportasyon ng tren, nagsisilbi sa mga corridors ng mataas na demand ng pasahero, pagpapabuti ng pangkalahatang mobility ng commuter, at tumutulong na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing lugar,” ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II.
Sa iba pang urban areas tulad ng Davao City at Cagayan de Oro City, ipatutupad aniya ang programa sa iba’t ibang ruta batay sa traffic ng pasahero at iba pang salik na nakakaapekto sa maayos na transportasyon ng kasing dami ng commuters.
Ang service contracting ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act para sa 2026 at sinabi ni Chairperson Mendoza na ang programa ay ipapatupad sa pinakamaagang posibleng panahon sa gitna ng mga epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ang service contracting ay isa sa mga hakbang na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan upang sugpuin ang mga epekto ng tunggalian sa Gitnang Silangan. (KRIS JOSE)