Home NATIONWIDE PCG: Coast guard forum kasado sa Hunyo 5-8; dadaluhan ng ASEAN countries

PCG: Coast guard forum kasado sa Hunyo 5-8; dadaluhan ng ASEAN countries

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na makikipagpulong ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa coast guard at maritime law enforcement forum sa Davao City sa Hunyo 5 hanggang 8.

Inihayag ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ang nasabing forum ay saklaw ang kanilang kooperasyon para sa regional security, marine resources protection, gayundin ang West Philippine Sea.

Ayon kay Balilo, layon ng naturang inisyatiba na pagtibayin ang kooperasyon tungo sa seguridad ng rehiyon.

Dagdag pa ni Balilo, magsasagawa rin ng information sharing at pagpapahayag ng kooperasyon upang protektahan ang yamang-dagat ng Southeast Asia.

Target din aniya ng ASEAN Coast Guard Forum na palawakin ang ugnayan ng mga miyembro nito, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa kaligtasan at seguridad sa West Philippine Sea.

Tatalakayin ng ASEAN countries ang kanilang kooperasyon laban sa drug trafficking, human smuggling, illegal fishing, piracy, gayundin ang pagpasok ng mga armas ng mass destruction sa rehiyon.

Ipinunto ni Balilo ang kahalagaan ng ganitong forum para sa ASEAN upang talakayin ang mga plano, akysyonat operasyon ng kanilang maritime law enforcement agencies upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa katubigan ng Southeast Asian.

Bilang host ng ASEAN coast guard forum, ang Coast Guard District Spoutheastern Mindanao ay handa para sa kaligtasan ng kaganapan kung saan ang BRP Gabriela Silang kasama ang PCG personnel mula sa Coast Guard Special Operations Force at Coast Guard K9 Force ay nasa Davao Port na.

“Naka-standby na rin ang mga PCG quick response teams upang maitaguyod ang kaligtasan ng lahat ng makikibahagi sa aktibidad mula sa Pilipinas, Singapore,Malaysia, Indonesia, Brunei, Laos, Cambodia, Myanmar, Vietnam at Thailand,” ani Balilo. Jocelyn Tabangcura-Domenden