MANILA, Philippines- Patay sa aksidente ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at nag-iwan din ng tatlong sugatang opisyal, isang seaman at sibilyan sa Taytay ,Palawan nitong Linggo.
Sinabi ni Coast Guard District Palawan (CGD-Pal) spokesperson Ens. Chrieson Dave Gabayan sa ulat na bumibyahe ang mga tauhan ng PCG sakay ng Toyota Hilux service patungong El Nido nang mangyari ang aksidente sa national highway sa Barangay Cataban ng alas-10 ng umaga.
Ayon sa CGD-Pal report, isang pickup truck ang sinubukang umiwas sa motorsiklo na nag-overtake sa kanila dahil sa paparating na sasakyan, na naging sanhi ng pag-overshoot ng Hilux at pagkahulog sa bangin sa tabi ng kalsada.
Tumalsik umano sa sasakyan si Seaman 2nd Class Lyric Orbon, residente ng bayan ng Narra sa Palawan at namatay noon din.
Ang iba pang mga pasahero na sina Ensign Jhairene Lim, Ens. Jerevy Miag-ao, at Ens. Friendly Mercado, na nakatalaga sa Coast Guard Station El Nido at Coast Guard Station Coron, ay nasugatan, sabi ng CGD-Pal.
Ang pangalan ng nasugatang sibilyang pasahero ay hindi muna inilabas ng CGD-Pal.
Sa ulat mula sa Palawan police, sinabi na ang pickup truck na minamaneho ni Apprentice Seaman Alfederic Decon, 29, ang nag-overtake sa isang motorsiklo nang biglang pumutok ang isa sa mga gulong sa harap ng trak, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver na naging dahilan para gumulong ito ng ilang beses bago bumulusok sa bangin.
Sinabi rin sa ulat ng pulisya na ang pagkamatay ng biktima ay matapos tumilapon mula sa sasakyan at naipit sa isang puno.
Dinala ng mga rumespondeng rescue personnel mula sa Taytay Municipal Disaser Risk Reduction and Management Office ang iba pang mga biktima, na nagtamo ng maraming pinsala, sa Northern Palawan Provincial Hospital para sa agarang atensyong medikal. Jocelyn Tabangcura-Domenden