Naaresto ng mga awtoridad ang 41-anyos na lalaki at ina nito na bumiyahe mula Masbate patungong Cebu City sa pamamagitan ng RORO nang mahulihan ng 25 packs ng hinihinalang shabu.May timbang itong nasa isang kilo at nagkakahalaga ng P170 milyon. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Sinibak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang deputy commander sa Masbate sa gitna ng patuloy na pagsisiyasat kung paano nakalusot ang isang sasakyan na may dalang mahigit P170 milyong halaga ng ilegal na droga sa inspeksyon at sumakay sa isang pampasaherong barko.
Habang ang administrative investigation ay isinasagawa, ipinag-utos ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na tanggalin ang deputy commander upang matukoy ang kanyang pananagutan hinggil sa kabiguan na magsagawa ng routine vehicle inspection bago ang vessel board, ayon sa ulat nitong Sabado.
Noong Huwebes, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) ang 25 bulto ng shabu na tumitimbang ng ilang kilos mula sa loob ng isang sasakyan ng isang babae at kanyang anak sa Pier 5 sa Barangay Carreta ,Cebu City.’
Umalis ang dalawa mula Masbate gamit ang roll-on-roll-off (RoRo) vessel.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, natuklasan na walang masusing inspeksyon bago sumakay ang sasakyan lulan ng mga kontrabando.
Ayon sa PCG, nasa courtesy meeting ang deputy commander nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng PCG na responsable ito sa pagtiyak na palaging isinasagawa ang mga kinakailangang inspeksyon, kabilang ang pagkontrol at pagpuksa sa transportasyon ng ilegal na droga sa mga daungan at daluyan ng tubig ng bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)