MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine Coast Guard na hindi ito bahagi ng anumang usapan tungkol sa posibleng maritime cooperation agreement sa China, kabilang ang mga ulat ng joint patrols sa pinagtatalunang karagatan.
Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Rear Adm. Jay Tarriela, “As far as the PCG is concerned… we are not involved in crafting this coast guard cooperation with China, specifically regarding plans for joint patrols,” batay sa kanyang huling pag-uusap kay Commandant Ronnie Gil Gavan.
Ito ay matapos sabihin ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na malapit nang matapos ang draft ng kasunduan, na umano’y 95% nang kumpleto at maaaring makatulong sa pagbawas ng tensyon sa dagat.
Ayon sa ulat, nakatuon ang kasunduan sa mga hindi sensitibong usapin tulad ng environmental protection, waste management, at search-and-rescue, at hindi sa joint patrols o enforcement.
Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa mga insidente sa pagitan ng PCG at China Coast Guard, kabilang ang water cannon, banggaan ng barko, at pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino malapit sa Scarborough Shoal at Ayungin Shoal.
Samantala, tinutulan ng Department of National Defense ang pahayag ng China na “self-directed farce” ang operasyon ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay DND spokesperson Asst. Sec. Arsenio R. Andolong, lehitimo at bahagi ng sovereign rights ng bansa ang mga aktibidad sa lugar.
“The real farce is the act of calling for peaceful engagement while the fully armed and heftily funded People’s Liberation Army (Navy) is harassing our fisherfolk who are merely trying to make a living in their traditional fishing grounds,” aniya.
Nauna ring nagbabala ang China na magsasagawa ito ng “effective countermeasures” laban sa umano’y “provocations” ng Pilipinas, kasunod ng aerial patrol ng PCG sa Bajo de Masinloc.
Sa kabila nito, iginiit ng DND na ang mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea ay “illegal, coercive, aggressive, and deceptive” at patuloy na inilalantad sa publiko sa ilalim ng transparency initiative ng pamahalaan. RNT/MND