Home METRO PCG heightened alert ngayong tag-ulan

PCG heightened alert ngayong tag-ulan

MANILA, Philippines – Naka heightened alert na ang lahat ng units ng  Philippine Coast Guard (PCG) para sa inaasahang epekto ng panahon ng tag-ulan sa bansa.

Inatasan din ni PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan na paigtingin ang kahandaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa baybayin, mga manlalakbay sa dagat, at mga sasakyang pandagat sa gitna ng mga banta ng malakas na pag-ulan, baha, at maalon na karagatan.

Bukod sa patrol operations, nakikipag-usap din ang mga tauhan ng PCG sa mga mangingisda at residenteng naninirahan malapit sa dalampasigan upang matiyak ang kanilang mabilis na paglikas sa utos ng lokal na pamahalaan.

Sa unang bahagi ng buwang ito, inalerto ng PCG ang mga deployable response group (DRG) nito sa 16 na distrito nito sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sakaling magkaroon ng pagbaha.

Ang DRGs ay binubuo ng  coast guard personnel na sinanay sa  water search and rescue (WASAR) operations.

Iniutos ni Gavan ang muling pag-activate ng mga DRG upang tumulong sa mga local government units (LGUs), partikular sa pagsasagawa ng preemptive evacuation at rescue operations sa gitna ng tag-ulan.

Bukod sa mga rescue swimmers, ang DRGs ay binubuo rin ng mga medically trained personnel pati na rin ang mga coast guard auxiliary.

Samantala, sinabi ng PCG Command Center na nananatiling “normal” ang operasyon ng mga sasakyang pandagat sa lahat ng daungan sa buong bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)