Home NATIONWIDE PCG modernization itinulak ni Bong Go: ‘TURUAN, SISIHAN ‘PAG MAY TRAHEDYA SA...

PCG modernization itinulak ni Bong Go: ‘TURUAN, SISIHAN ‘PAG MAY TRAHEDYA SA DAGAT’

MANILA, Philippines- Humihingi ng hustisya sa mga awtoridad si Senator Christopher “Bong” Go para sa kalunos-lunos na pagkamatay ng isang 55-anyos na ginang sa panibagong maritime tragedy kamakailan sa baybayin ng Corcuera, Romblon.

Ayon kay Go, dapat may managot o maparusahan sa nangyaring trahedya kasabay ng pagtutulak sa modernization program para palakasin ang Philippine Coast Guard (PCG).

Ang insidente ay naganap noong Agosto 5 matapos lumubog ang kalahati ng passenger vessel MB King Sto. Niño 7 malapit sa Corcuera.

Ayon sa PCG, nagawang makipag-ugnayan ang isa sa mga pasahero sa lokal na istasyon ng PCG para iulat ang sitwasyon.

“Unang-una, managot po ang dapat managot dito at sino talaga ang may kasalanan. Tuwing may lumulubog, tuwing may disaster na nangyayari, sisihan ang nangyayari,” sabi ni Go sa isang panayam matapos niyang pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver sa Pasay City.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kakayahan ng PCG para mas mapangalagaan ang kapakanan at seguridad sa karagatan.

“Kung kailangang palakasin pa ang Philippine Coast Guard para mas magampanan nila nang buong husay ang kanilang tungkulin, gawin po natin,” anang senador.

Kaugnay nito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2112, o ang PCG Modernization Bill na nakatakdang dinggin sa susunod na araw.

“Ang ating Coast Guard ay nagsisilbing frontline defense laban sa mga banta tulad ng smuggling, terorismo. Malaki ang kanilang trabaho. Bukod pa rito, nagbibigay sila ng napakahalagang tulong sa panahon ng mga kalamidad at emerhensiya,” sabi ni Go.

Ang panukalang batas ay layong i-upgrade ang mga ari-arian at resources ng PCG upang bigyang-daan ang serbisyo na maisagawa ang mga tungkulin at responsibilidad nito nang mas epektibo.

Pangunahing layunin nito na i-upgrade ang mga sasakyang pandagat, sasakyang panghimpapawid, at kagamitan ng coast guard upang matugunan ang mga internasyonal na pamantayan.

“Dito po sa nangyaring paglubog ng barko ay dapat makasuhan po ang may kasalanan. Bilang miyembro ng Committee on Public Services, dapat pong may managot para ‘wag nang maulit.

Paulit-ulit na lang kapag may paglubog dito, puro imbestigasyon. Dapat may makulong,” idinagdag ng mambabatas.

Ang mga pahayag ni Go ay hindi lamang sa Romblon incident, kundi pati na rin sa ferry disaster sa lalawigan ng Rizal noong Hulyo 27, kung saan tumaob ang isang bangka dahil sa malakas na hangin na nagresulta sa 27 pagkamatay. RNT