Home METRO 3 barangay sa Parañaque kinilala ng DILG

3 barangay sa Parañaque kinilala ng DILG

MANILA, Philippines – Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tatlong barangay sa Parañaque bilang mga ‘Outstanding Lupon Tagapamayapa’ sa taong kasalukuyan dahil sa kanilang dedikasyon sa pananatili ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang mga lugar na nasasakupan.

Pinangunahan nina Parañaque City Mayor Eric Olivarez at kanyang nakatatandang kapatid na si Congressman Edwin Olivarez ang pamamahagi ng rekognisyon sa tatlong barangay na kinabibilangan ng mga barangay ng San Isidro sa ilalim ng pamamahala ni chairman Noel Japlos; Barangay San Martin de Porres na pinamumunuan ni chairman Atty. Michael Thor Singson at Barangay Merville na pinangangasiwaan ni chairman Dr. Edgar Caballero.

Ang pagkilala sa tatlong barangay ng DILG ay naganap nitong Lunes, Agosto 7 sa Treasury Lounge ng Parañaque City Hall.

Ayon kay Olivarez, ang Barangay Isidro ang nakakuha ng unang puwesto bilang “2023 Outstanding Lupon Tagapamayapa” na may kaakibat na premyong P60,000 na sinundan ng Barangay San Martin de Porres na may cash award na P40,000 habang ang Barangay Merville na nakuha ang ikatlong puwesto ay may katumbas na cash reward na P20,000.

Kasabay nito ay binati din ng magkapatid na Olivarez ang tatlong barangay chairmen dahil sa kanilang masinop na pagtatrabaho sa pananatili ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang mga lugar na nasasakupan. James I. Catapusan