MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2025 para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa mga pantalan.
Ipinag-utos ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, na ilagay sa heightened alert ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations sa buong bansa simula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026.
Ito’y bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong pasahero sa mga pantalan upang ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon sa kani-kanilang probinsya o lalawigan.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., makikipag-ugnayan ang PCG sa Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) para mas lalo pang mapalakas ang pagbabantay at seguridad, hindi lamang sa mga pantalan kundi maging sa tourist destinations.
Sinabi naman ni PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, na ipapakalat rin nila ang Coast Guard personnel sa DOTr Malasakit Help Desks upang gabayan ang mga pasahero, lalo na ang mga nangangailangan ng tulong.