Bulacan – Arestado ang 69 anyos na lalaki sa kanyang mismong kaarawan nang mabilhan at mahulihan ng P170,000 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) nitong Disyembre 8.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na si alyas “Alex”, residente ng Brgy. Sta. Cruz IV.
Ayon sa ulat, ikinasa ang anti-illegal drug operation ng mga tauhan ng istasyon bandang 6:35 ng gabi sa nasabing lugar.
Nabatid na nabilhan ng police poseur buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu ang suspek kapalit ng P500, kaya agad itong inaresto ng mga pulis sa kasagsagan ng kanyang kaarawan.
Sa protective search o rekisa, nasamsam sa kanya ang marked money, limang sachets na hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 25 gramo at may standard drug price na P170,000.
May impormasyon na sinasabi ng suspek na regalo lamang umano ng kaibigan ang naturang iligal na droga na kalaunay niyang itinutulak sa kanyang mga parokyano.
Samantala, huli rin ng mga awtoridad sa pot session bandang 10:00 ng gabi ang limang suspek na sina alyas “Tonya”, 55, dalaga; “Ar”, 39, welder, may-asawa; “Mari”, 42, may-asawa; “Jap”, 27, binata, kapwa residente ng Brgy. BBII; at “Aldo”, 39, binata ng Bigte, Norzagaray, nang isumbong sa kanila ng mga tanod na naaktuhang humihithit ng iligal na droga sa Purok 1, Brgy. BBII.
Narekober ang isang aluminum foil strip with suspected shabu residue, disposable lighter, cut transparent plastic sachet na may shabu, plastic sachet of suspected shabu, scissors, digital weighing scale, at tube pipe with suspected shabu residue na umanong ginamit ng mga suspek.
Nang kapkapan ang mga ito, nahulihan pa ng heat-sealed transparent sachet ng hinihinalang shabu si alyas “Aldo” na may timbang na 0.5 gramo at may standard drug price na P3,400.
Nahaharap ang lahat ng suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya.