MANILA, Philippines – Nagtalaga ng isa pang sasakyang-dagat ang Philippine Coast Guard (PCG) upang subaybayan ang presenysa ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa baybayin ng Zambales, ayon kay PCG spokepserson to the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.
Ayon kay Tarriela, nagpapatrolya ngayon sa katubigan sa paligid ng Bajo de Masinloc ang BRP Bagacay para masubaybayan kung magkakaroon ng isa pang barko ng CCG na magtatangka na pumunta malapit sa baybayin ng Zambales.
Nauna nang inatasan ng PCG ang Multi Role Response Vessel (MRRV-4409) BRP Cabra para mag radio-challenge sa presensya ng sasakyang-dagat ng CCG.
Gayunman, umalis ang BRP Cabra matapos makatanggap ng distress call mula sa Filipino fishing boat.
Sinabi ni Tarriela na ang CCG ay hindi tumugon sa hamon ng BRP Cabra.
Dagdag pa ni Tarriela, pinapaalalahanan nila ang CCG na sila ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas at wala silang lehitimong awtoridad na magsagawa ng anumang iligal na pagpapatrolya. Jocelyn Tabangcura-Domenden