MANILA, Philippines – Agad nagpadala ng 36 na miyembro ng Deployable Response Group o DRG patungong Guinobatan, Albay ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong gabi ng Mayo 3 matapos ang pagbuga ng makapal na abo mula sa Bulkang Mayon.
Itinalaga ang DRG Team upang magsagawa ng clearing operations sa mga lugar na apektado ng ashfall mula sa Bulkang Mayon, kabilang ang Brgy. Poblacion Social Hall sa naturang bayan.
Nagdala rin ang grupo ng mga kinakailangang kagamitan upang matiyak ang mabilis at ligtas na pagsasagawa ng operasyon.
Nagpaalala si CGDBCL Commander, Commodore Ivan Roldan PCG sa kanyang mga tauhan na mahigpit na sundin ang ipinatutupad na safety protocols habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Nananatiling naka-standby at nakaalerto ang iba pang Deployable Response Groups ng CGDBCL, kasama ang Coast Guard Station Albay at mga sub-stations nito, para sa agarang deployment kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden