MANILA, Philippines – Namahagi ang Philippine Coast Guard (PCG) ng pagkain at tubig sa humigit-kumulang 160 na mahihirap na mangingisda sa Mariveles, Bataan nitong Huwebes, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng pangunahing pangangailangan habang nagsasagawa ng maritime patrols.
Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na ang tulong ay ipinamahagi ng BRP Suluan (MRRV-4406), kung saan bawat bangkang pangisda ay nakatanggap ng bigas, tinapay, ready-to-eat na pagkain, at inuming tubig.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at PCG Auxiliary 110th Squadron, bilang bahagi ng PCG Intensified Community Assistance Awareness Response and Enforcement Program (iCARE).
Layunin din ng pamamahagi ng tulong na mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng gasolina sa mga mangingisda sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.
Samantala, sinabi ni Cayabyab na ang lahat ng opisina ng PCG sa buong bansa ay magpapataas ng alerto simula Marso 28 hanggang Abril 5 bilang bahagi ng mga hakbang ng gobyerno upang tiyakin ang seguridad sa sektor ng pampublikong transportasyon ngayong Semana Santa at summer vacation.
Ayon sa PCG , magdedeploy ito ng 17,000 personnel nationwide para masigurado ang pagkakagawa ng safety and security measures.
Pinaalalahanan ni Cayabcab ang mga pasahero ng pantalan na mag-book ng kanilang mga tiket nang maaga upang maiwasan ang abala sa kanilang biyahe at iwanan ang mga ipinagbabawal na gamit tulad ng flammable at explosive products.
Binalaan din niya ang publiko na huwag magsagawa ng water activities habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak at bantayang mabuti ang kanilang mga anak. Jocelyn Tabangcura-Domenden