Home NATIONWIDE PCG sa Tsina: Coast guard ships dapat ‘instruments of diplomacy’

PCG sa Tsina: Coast guard ships dapat ‘instruments of diplomacy’

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang kanilang barko ay dapat na gamitin upang mapanatili ang mga buhay at ari-arian sa dagat, hindi ilagay sa panganib ang buhay ng mga tao o maging sanhi ng pinsala sa mga mahahalagang bagay.

Ito ang binigyang-diin ng PCG matapos muling harangin ng China Coast Guard (CCG) ang isang humanitarian mission sa West Philippine Sea (WPS) noong Lunes, Agosto 26.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa WPS,  sinubukan ng BRP Cabra at BRP Cape Engaño na maghatid ng mahahalagang pagkain at suplay sa mga tauhan sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda (Sabina) Shoal nang harangin sila ng malaking fleet ng Chinese vessels.

Aniya, nagtalaga ang China ng “labis na pwersa” na binubuo ng anim na sasakyang pandagat ng CCG, tatlong barko ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at 31 Chinese maritime militia boat upang hadlangan ang humanitarian mission.

Ang BRP Teresa Magbanua ay naka-deploy sa Escoda Shoal, na matatagpuan humigit-kumulang 110 nautical miles mula sa Palawan, mula noong Abril upang magbantay laban sa ilegal na poachers at mga hinihinalang aktibidad ng reclamation.

Ang paglalayag sa Araw ng mga Bayani ay isang araw matapos ang mga sasakyang pandagat ng China ay bumangga at magpaputok ng water cannon sa isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nasa isang resupply mission noong Agosto 25.

Ayon kay Tarriela, ang pagsisikap ng China na harangin ang resupply mission sa Escoda Shoal ay nagpapaalala sa kanilang mga aksyon sa Ayungin (Second Thomas) Shoal, kung saan ang barko ng Philippine Navy na BRP Sierra Madre ay nagsisilbing military outpost para sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Hinikayat din ni Tarriela ang CCG na sundin ang national law at tigilan ang pagpapadala ng maritime forces na maaaring makasira sa paggalang sa isa’t isa, isang kinikilalang pangkalahatang pundasyon para sa responsable at mapagkaibigang relasyon sa mga Coast Guard. Jocelyn Tabangcura-Domenden