MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paratang na pineke nito ang datos ng Public Transport Modernization Program (PTMP) kasabay ng patuloy na transport strike ng grupong Manibela noong Marso 24.
Ayon kay LTFRB spokesperson Ariel Inton, walang manipulasyon sa datos, kundi maaaring nagkaroon lamang ng hindi maayos na pagpapaliwanag.
Batay sa ulat ng LTFRB, 86.23% ng mga pampublikong sasakyan ang nag-apply para sa konsolidasyon, ngunit 43% pa lang ang ganap na nakatapos, habang ang iba ay nasa proseso pa rin ng pag-apruba.
Tinawag naman ni MANIBELA president Mar Valbuena na “ganap na kasinungalingan” ang datos, lalo na’t inamin umano ni Transportation Secretary Vince Dizon na may mga aplikasyon pang hindi aprubado.
Ang 26,396 na hindi nakasunod sa patakaran ay itinuturing nang “colorum” at maaaring mapatawan ng parusa, bagamat ipinauubaya ng LTFRB sa Land Transportation Office ang pagpapatupad ng mga hulihan. Santi Celario