Home HOME BANNER STORY VP Sara sa hirit ni Digong na umuwi ng Pinas: Maging Ninoy...

VP Sara sa hirit ni Digong na umuwi ng Pinas: Maging Ninoy Aquino Jr. ka

MANILA, Philippines – Binalaan ni Bise Presidente Sara Duterte ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na maaari siyang matulad kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr. kung ipipilit niyang bumalik sa Pilipinas.

Sa isang pagtitipon ng kanyang mga tagasuporta sa The Hague, Netherlands, sinabi niyang paulit-ulit siyang tinatanong ng kanyang ama kung kailan siya makakauwi, dahil nais nitong mangampanya bilang alkalde ng Davao City.

“At ‘yon ang gusto niya, gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kanya yon, ‘Pa, sabi ko ‘yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka,” kwento ni VP Sara.

Si Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague dahil sa utos ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa madugong war on drugs, ay tumugon naman ng, “Kung ganyan ang kapalaran ko, so be it. Basta lang mauwi ako sa Pilipinas.”

Samantala, sumigaw ang mahigit 2,000 Pilipino mula sa Europa ng “Bring him home” at “Marcos resign” habang inaawit ang mga awiting protesta tulad ng Bayan Ko.

Hinikayat ni VP Sara ang kanyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang panawagan sa gobyerno at ICC.

“Ituloy lang ‘yung kaso, walang problema, ibalik niyo lang siya.” Dumalo rin sa pagtitipon ang kanyang mga kaalyado, kabilang sina Senador Robin Padilla at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

Humarap si Digong sa Pre-Trial Chamber ng ICC noong Marso 14 upang pormal na marinig ang mga kaso laban sa kanya. Ang susunod na pagdinig ay itinakda sa Setyembre 23.

Sa kabila ng kanyang mga kaso, nananatili siyang kandidato sa pagka-alkalde ng Davao City, isang posisyong hinawakan niya nang mahigit dalawang dekada bago maging pangulo noong 2016. RNT