Nasawi ang isang tatlong taong gulang na bata at apat ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa isang tirahang lugar sa J.P. Rizal Street, Barangay Namayan, Mandaluyong City, nitong Lunes ng umaga, Marso 24.
Natagpuan ang katawan ng bata sa ikalawang palapag ng isang tindahan ng lechon na ginagamit ding tuluyan ng mga trabahador.
Ayon sa ulat, naiwan mag-isa ang bata habang abala ang kanyang ama sa pagkatay ng baboy.
Nagsimula ang sunog bandang 6:38 a.m. at umabot sa second alarm pagkalipas ng dalawang minuto. Nasunog din ang stockroom ng tindahan at isang katabing junk shop.
Naapula ang apoy bandang 8:18 a.m.
Ang apat na nasugatan ay nagtamo ng paso ngunit nasa maayos nang kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog at halaga ng pinsala. RNT