Home METRO Pekeng HPG cop sugatan sa ‘engkwentro’ sa mga parak

Pekeng HPG cop sugatan sa ‘engkwentro’ sa mga parak

LUCENA CITY- Aksidenteng nabaril at nasugatan ang isang lalaking nagpapanggap na pulis nitong Miyerkules, sa umano’y engkwentro sa tunay na law enforcers sa General Trias City, Cavite.

Iniulat ng Region 4A police nitong Huwebes na minamanmanan si “Lawrence” ng mga tauhan ng police Highway Patrol Group (HPG) dahil sa pagpapanggap na isa sa mga miyembro nito habang nakasuot ng uniporme at nangingikil sa road users.

Dakong alas-10:30 ng gabi nitong Miyerkules, sisitahin na ng HPG members si Lawrence dahil sa hindi nito awtorisadong pagsusuot ng ng HPG uniform at National Bureau of Investigation (NBI) jacket sa Barangay San Francisco, nang manlaban ang lalaki at suntukin si Police Chief Master Sergeant Erlan Demate sa mukha.

Nagresulta ang kaguluhan sa pagpapaputok ni Demate ng kanyang service firearm, kung saan tinamaan sa dibdib si Lawrence.

Dinala sa ospital ang pekeng parak upang lapatan ng lunas.

Batay sa ulat, si Lawrence ay isang coconut vendor. RNT/SA