Home NATIONWIDE Pekeng pastor, naharang sa Clark sa human trafficking

Pekeng pastor, naharang sa Clark sa human trafficking

217
0

MANILA, Philippines – Naharang ang isang umano’y pastor sa Clark International Airport (CIA) noong Nobyembre 1 dahil sa pagtatangkang ipuslit ang tatlong Pilipino para iligal na magtrabaho sa mga scam hub sa Cambodia.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang lalaki, na nagpakilalang si alyas ‘Pastor Falcon,’ ay nagtangkang umalis sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Bangkok, Thailand, kasama ang tatlong indibidwal na sinasabi niyang mga ka-simbahan niya sa kanilang religious organization.

Gayunpaman, nang interbyuhin ang mga ito ng magkakahiwalay na miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, magkakasalungat ang kanilang mga kasagutan patungkol sa layunin ng kanilang paglalakbay at kaugnayan sa isa’t isa.

Sa bandang huli, inamin nila na magtutungo sila sa Cambodia, kung saan sila ay na-recruit para magtrabaho bilang mga call center agent at magluto sa isang kumpanya. Inalok sila ng mataas na suweldo na hanggang P50,000 kada buwan, ngunit walang ideya sa eksaktong uri ng trabahong kanilang gagawin.

Inamin ng mga biktima na humingi sila ng tulong sa nasabing ‘Pastor’ matapos niyang sabihin na marami na siyang inescort na manggagawa palabas ng bansa. Sa isinagawang pagsusuri sa rekord ng pastor, nakumpirma na dati siyang naglakbay kasama ang hindi bababa sa isang indibidwal na umalis bilang turista ngunit hindi pa bumalik hanggang sa kasalukuyan.

Ang suspek at ang kanyang tatlong biktima ay itinurn-over na sa CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), na magsisimula ng imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga recruiter. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here