Home NATIONWIDE Peligrosong damang-init mararanasan sa Maguindanao at Cavite

Peligrosong damang-init mararanasan sa Maguindanao at Cavite

95
0

MANILA, Philippines – Hindi bababa sa dalawang lugar sa bansa ang inaasahang makapagtatala ng delikadong heat index sa Martes, Abril 14, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa forecast ng Pagasa na inilabas alas-5 ng hapon noong Lunes, Abril 13, inaasahang aabot sa 56ºC ang peak heat index sa Cotabato City, Maguindanao del Norte, habang 42ºC naman ang posibleng maranasan sa Sangley Point, Cavite.

Ang heat index na nasa pagitan ng 42ºC at 51ºC ay kabilang sa “danger” category, na may kaakibat na mataas na panganib ng heat cramps at heat exhaustion, at maaari ring mauwi sa heat stroke.

Ayon sa PAGASA, ang heat index ay ang “measure of the contribution that high humidity makes with abnormally high temperatures in reducing the body’s ability to cool itself.”

Samantala, maraming iba pang lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng heat index na kabilang sa “extreme caution” category, o mula 33ºC hanggang 41ºC. Sa Metro Manila, inaasahang aabot sa 38ºC ang heat index sa NAIA sa Pasay City at 37ºC naman sa Science Garden sa Quezon City.

Kabilang din sa mga lugar na inaasahang makararanas ng mataas na heat index ang Dagupan City, Pangasinan sa 39ºC; Bacnotan, La Union sa 40ºC; Tuguegarao, Cagayan sa 40ºC; Baler, Aurora sa 39ºC; Ambulong, Tanauan, Batangas sa 39ºC; Aborlan, Palawan sa 40ºC; Virac, Catanduanes sa 41ºC; Dumangas, Iloilo sa 40ºC; La Granja, La Carlota, Negros sa 40ºC; Borongan, Eastern Samar sa 40ºC; Guiuan, Eastern Samar sa 41ºC; at Zamboanga City sa 40ºC.

Nauna nang nagpaalala ang PAGASA sa publiko na mag-ingat laban sa matinding init habang patuloy na nakararanas ng mapanganib at mataas na heat index ang ilang bahagi ng bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here