Home OPINION SA RAMI NANG NASIRA, OFWs KAILANGAN

SA RAMI NANG NASIRA, OFWs KAILANGAN

127
0

MATATAPOS at matatapos din balang araw ang giyerang Iran laban sa United States at Israel.

Walang forever na digmaan.

Maaaring magtagal ang digmaan at matulad sa 20 taong US vs North Vietnam mula 1955 hanggang 1975 o US vs Afghanistan mula 2001 hanggang 2021 at 6 taong World War 2 mula 1939 hanggang 1945.

Ngunit matatapos at matatapos din ang digmaang US-Israel vs Iran.

SIRA KAHIT SAAN

Dahil sa mabangis na digmaan, napakarami ang nasira sa Israel, Lebanon, Jordan, Iraq, Kuwait, Bahrain, United Arab Emirates, Saudi Arabia, Qatar at Oman.

Pasilidad sa langis, mga bahay at otel, kalsada at tulay, airport, desalinization plant o planta ng tubig, planta ng kuryente, pier, plantang nukleyar, eskwela, mosque, simbahan at iba pa.

Nagbunga naman ito ng pagkawala ng trabaho ng maraming dayuhan sa nasabing mga bansa, kasama ang libo-libong Pinoy na ang ilan sa mga ito ay nakauwi na sa bansa.

Naramdaman na rin mismo ng ating pamahalaan ang pagbagsak ng remittance o padala mula sa mga bansang ito at bilyon-bilyong piso na ang halaga.

Siyempre pa, kasama sa mga naaapektuan nang masama ang mga pamilya OFW na umaasa sa mga padala ng ating mga bagong bayani.

HIGIT NA NAKARARAMI NAIS MAGBALIK

Sa pagtatanong sa mga umuwing OFW na natakot at nadadamay sa mabangis na giyera o kaya’y nawalan ng trabaho, higit na nakararami ang gustong bumalik sa nasabing mga bansa upang magtrabaho at kumita na wala sa Pilipinas.

Dahil wala naman talagang maiaalok ang gobyerno na maayos, matagalang trabaho at makataong kita sa milyon-milyong Pinoys sa loob ng bansa dahil sa korapsyon at pandarambong, hindi natin masisisi na sa labas ng Pinas sila umaasa para mabuhay nang may dignidad at kinabukasan.

Kaya hindi lang ang mga nagbalikan dahil sa giyera ang gustong lumabas muli kundi maging ang iba pa.

MAY LUGAR SILA ROON

Sa pag-aaral sa mga dayuhang obrero na nasa Gitnang Silangan, kabilang sa mga pinakapaboritong obrero ng mga Arabo at Israelita at iba pang employer na may negosyo sa lugar ang mga Pinoy.

Naririyan kasi ang angking sipag, talino, tiyaga, galing, pagtutulungan at iba pang magagandang katangian ng mga Pinoy, bukod sa madali silang makisama at pakisamahan.

PANGMATAGALANG HANAPBUHAY

Kung matatapos ang digmaan, sinasabing hindi lang mga buwan kundi mga taon ang aabutin ng muling pagbangon ng mga nasabing bansa at pagtatatag ng iba pang mga bagay para sa kanilang matagalang kinabukasan.

Kasama na riyan ang pagpapanatili nila ng anomang magagawa sa mga nasira at pagtatayo pa ng ibang mga bagay na kailangan nila.

Kaya naririyan ang mga oportunidad sa mga Pinoy na hindi nila mahanap sa loob ng bansa.

Sana manatili silang ligtas sa mga panganib at maikonsentreyt nila ang maghanapbuhay na sa totoo lang ay labis na kapaki-pakinabang sa ating buong bansa, maging sa pamahalaan.

Kailan naman kaya titino ang ating pamahalaan upang mabigyan ang mga Pinoy ng sapat na oportunidad at may magandang kinabukasan at hindi na mangibang bansa upang mabuhay nang matatag at may magandan kinabukasan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here