NANG pumutok ang balita tungkol sa paglipat ng unutilized PhilHealth funds sa National Treasury, may natakot na baka bawas-benepisyo, at may nagduda na baka may “masamang nangyayari.”
Pero ang totoo, tama ang ginawa ng pamahalaan dito. Ligal, maayos, at talagang para sa kapakanan ng mas nakararami ang pagbabalik ng ‘unutilized subsidies’, hindi lang PhilHealth ang sakop nito. Lahat ng GOCCs (Government Owned and Control Corporations}, pati PDIC (Philippine Deposit Insurance Corporation), ay kailangan ding magbalik ng pondong hindi naman nila nagagamit.
At ito ang pinakamahalaga, hindi ginalaw ang kontribusyon ng PhilHealth members. Government subsidies lang ‘yan. Ibig sabihin, ito ‘yung pondong may malinaw namang ligal na proseso sa ilalim ng General Appropriations Act 2024 na maibalik sa treasury kung saka-sakaling hindi nagamit.
Samantala, habang nakaipon ang bilyon-bilyong pondo sa ilang ahensya, milyon-milyong Pilipino naman ang naghihintay nang mas maayos na serbisyo, health programs, at public health infrastructure. Kaya hindi pwedeng matulog ang pera ng bayan sa ilang ahensya.
At sa kabila ng lahat ng ito, hindi bumagsak ang PhilHealth. Mas umangat pa nga ang serbisyo nito.
May ₱500B silang pondo kaya kaya nilang mag-upgrade. Halos doble ang benepisyo para sa stroke at pneumonia, tumaas sa ₱1.4M ang breast cancer coverage mula ₱100,000, 53 na ang generic medicines na saklaw, at may Zero Balance Billing pa.
Kaya nang ibinalik ang ₱60B sa kanila para sa 2026, malinaw ang dahilan. May ipinakita silang galing at responsableng paggamit ng pondo.
Ang bottom line rito, ang pera ng bayan ay dapat naggagamit sa public service, hindi nakaimbak lang. Kung may sobrang pondo, gamitin. Kung may mahusay na performance, suportahan.






