Manila, Philippines – May pagkakatulad ang paratang ni Claudine Barretto sa dating asawang si Raymart Santiago sa kaso ni Ai Ai de las Alas at ng estranged husband nitong si Gerald Sibayan.
Matatandaang inakusahan ni Claudine si Raymart ng umano’y pagtangay nito ng kanyang pera na aabot sa ilang milyong piso.
Hindi ito nalalayo sa kaso ng Comedy Queen.
Kung paniniwalaan ang impormasyon mula sa isang reliable source, nakuha raw limasin umano ni Gerald ang pinag-ipunang pera ni Ai Ai sa banko.
Tinatayang aabot sa P100M ang pera ng komedyana.
Bale joint account daw nila ‘yon ni Gerald.
Ayon sa source, wala umanong kamalay-malay si Ai Ai na unti-unti na raw nasasaid ang kanyang pinagpagurang pera.
Hindi binanggit ng source kung may ligal bang hakbang ang binabalak gawin ni Ai Ai.
Kailan lang ay ibinisto ni Ai Ai ang natuklasang pagtataksil sa kanya ni Gerald.
Kasama ang umano’y mistress nitong Pinay ay dalawang beses silang namataan sa magkahiwalay na resto sa San Francisco, USA.
Bale ba, ang mga resto na ‘yon kung saan namataang sweet na sweet ang dalawa’y malapit sa tirahan ni Ai Ai.
Samantala, nakapagtatakang “ginalaw” ni Gerald ang joint account nila ni Ai Ai dahil galing ito sa buena familia.
Bukas ang Remate Online sa panig ni Gerald. Ronnie Carrasco III