Home NATIONWIDE Pera-padala mula sa mga OFW, pumalo sa US$2.86B noong Abril – BSP

Pera-padala mula sa mga OFW, pumalo sa US$2.86B noong Abril – BSP

MANILA, Philippines – Tumaas ng 3.1 percent o USD2.86 bilyon ang personal remittances ng overseas Filipinos (OFs) noong Abril, kumpara sa USD2.77 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes, Hunyo 17.

Ang personal remittances ay ang mga cash na ipinadadala sa pamamagitan ng mga banko at informal channels, at mga remittances ‘in kind.’

“The increase in personal remittances in April 2024 was due to remittances from land-based workers with work contracts of one year or more and sea- and land-based workers with work contracts of less than one year,” ayon sa BSP.

Sa personal remittances mula sa mga OFs, umabot sa USD2.56 bilyon ang ipinadala sa pamamagitan ng mga banko. Mas mataas ito sa USD2.48 billion na naitala noong nakaraang taon.

Anang BSP, ang expansion ay dahil sa paglago ng receipts mula sa land- at sea-based workers.

Para sa unang apat na buwan ng taon, lumago ng 2.8 percent ang personal remittances sa USD12.01 bilyon mula sa USD11.68 bilyon na naitala mula Enero hanggang Abril 2023.

Sa kabuuang bilang, ang cash remittances ay nasa USD10.78 bilyon o pagtaas ng 2.8 percent mula sa
USD10.49 billion na nairehistro mula Enero hanggang Abril noong nakaraang taon.

“The growth in cash remittances from the United States, Saudi Arabia, and Singapore contributed mainly to the increase in remittances in the first four months of 2024,” anang BSP. RNT/JGC