Home OPINION ‘PERSONAL APPEARANCE’ SA PAGREREHISTRO NG SIM CARDS, PINAG-AARALAN NG NTC

‘PERSONAL APPEARANCE’ SA PAGREREHISTRO NG SIM CARDS, PINAG-AARALAN NG NTC

MAY posibilidad na ipag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) na kinakailangang personal na pumunta sa mga kompanya ng telekomunikasyon para sa pagpaparehistro ng SIM o subscriber identity module card upang mapigilan ang mga indibidwal sa iligal na pagbebenta ng kanilang mga pagkakakilanlan.

Noong December 27, 2022, naging epektibo ang Implementasyon ng Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act. Ayon sa NTC o National Telecommunications Commission, mandatory o kailangang irehistro ang mga SIM o subs­criber identity module sa ka­ni-kanilang telecommunications provider.

Ayon sa NTC, ang kasaluku­yang online registration process ay nakatanggap ng batikos bi­lang isa sa mga dahilan ng pagdami ng text scams, kung saan may mga mapagsamantalang in­dibidwal na ginagamit ang sis­tema upang ibenta ang kanilang pagkakakilanlan sa iba.

Nangangamba ang ahensiya at ang mga kompanya ng telekomunikasyon sa laganap na pagbebenta ng mga pre-registered SIM cards, na maaaring gamitin sa pagpapakalat ng text scams.

Alinsunod sa Republic Act No. 11934, ang sinomang mapatunayang nagkasala sa krimeng ito ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at/o pagmultahin ng ha­lagang mula Php 100,000 hanggang Php 300,000.

Nagpalabas ng memorandum ang NTC na nag-uutos sa mga kompanya ng telekomunikasyon na pagbutihin ang ka­nilang “mga sistema para sa SIM registration at magpatupad ng mga partikular na hakbang para mapatunayan ang pagi­ging lehitimo ng mga nairehistrong SIM.”

Noong 2024, nakapag-block ang mga TELCO ng mahigit 3.3 bilyon scam texts at nag-deactivate ng mahigit 3.1 milyon SIM cards na natuklasang konekta­do sa mga mapanlinlang na gawain.

Pagtitiyak ng NTC at mga TELCO, patuloy silang nagha­hanap ng iba’t ibang kaparaanan para tuluyang matigil ang modus operandi ng mga nagbebenta ng kanilang identidad na nagagamit sa pagrerehistro ng mga SIM card na ang pangunahing layunin ay manloko ng mga tao.